8/22/15

Position Paper: Ang Pagtutuwid ng "Tuwid na Daan"


Tuwid pa nga ba ang daan na ating tinatahak?

 “What we are doing can actually be summed up in a few words: We are giving this country back to its people. We are giving them a government that knows it’s ultimately accountable to them.”







Panimula:
Apat na taon nang nanilbihan bilang pangulo si Benigno Simeon Aquino III ng Pilipinas. Sa apat na taon na iyon, marami ng pagbabago ang nangyari. Umunlad ang ating ekonomiya , nagkaroon na maraming reporma, bumaba ang mga “Labor Cases” at mga “Strikes”, tumaas ang budget para sa mga imprastraktura, at iba pa. Dahil sa mga pagbabagong ito may mga kasapi sa gobyerno na gustong habaan ang kanyang termino. Ngunit, ikakabuti nga ba ito na ating bansa?  Maganda nga ba ang kanyang naging pamumuno sa ating bansa?

General Background:
Noong 1935, dalawang apat na taong termino lamang ang paninilbihan bilang Pangulo. Ngunit noong 1973 pinalitan ang konstitusyon upang mapahaba ang termino ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Pero dahil sa People Power Revolution noong 1986, pinalitan ni Corazon Aquino si Marcos.  At noong panahon ni dating Pangulong Corazon Aquino, itinaggal niya ang mga batas na napatupad noong panahon ni Marcos at pinalitan ang konstitusyon at nilimitahan ng anim (6) na taon na walang “reelection” ang magiging termino ng pangulo. Ito na ang konstitusyon na ginagamit mula noon.
Noong 2010 nahalal si Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III at mula nang siya ay nahalal unti-unting umunlad ang ating ekonomiya. Bumaba ang mga “Labor Cases” at mga “Strikes”. Maraming imprastraktura ang napaayos at napagawa, katulad na lamang ng Aluling Bridge, Jalaur River Multi-Purpose Project, at Candelaria Bypass Road Project at iba pa. Bumaba ang “crime rate”, tumaas ang budget para sa mga imprastraktura, nagkaroon na mga reporma ang ating gobyerno at mas tumaas ang “rate” ng turismo ng ating bansa.  
Dahil sa mga pagbabagong iyon ngayong 2014 si Liberal Party, Caloocan Representative Edgar Erice ay mag-fi-file ng pagbabago sa Saligang Batas, upang mapahaba ang termino ni P-Noy. Maraming mga grupo ang hindi sumangayon dito, dahil hindi daw na solusyonan ang mga problema ng ating bansa. Ngunit ayon sa Malacanang, bukas daw kay Pangulong Aquino ang pagpapahaba ng kanyang termino hanggang sa ito ang gusto ng mga Pilipino.

Argumento:
Marami ng mga pagbabagong ginawa si Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III na nakatulong sa pag-unlad ng ating ekonomiya ngunit, sa aking opinion, hindi ito sapat na rason upang pahabain pa ang kanyang termino bilang pangulo. Nilimitahan ng anim (6) na taon ang pagka-pangulo upang hindi mabigyan ng mahabang kapangyarihan ang isang presidente. Siya ay naging isang magaling na pangulo ngunit ang mga hindi lang niya kaalyado ang kanyang mga tinarget at ipinatanggal sa puwesto, kaya hindi niya lubos na nasolusyonan ang mga problema sa korupsiyon ng ating bansa. Bukod pa dito, nararapat lang na bigyan ng opportunidad na maging pangulo ang ibang mga Pilipino. Ang bawat tao ay may iba’t-ibang ideya para sa mga proyekto na makakabuti sa ating bansa. Sa apat na taon na pinagsilbihan ng P-Noy ang Pilipinas, isinama niya tayo sa paglalakbay sa tuwid na daan na kanyang ginawa, habang nasa daan na ito ay nakita natin ang unti-unting pagbabago at pag-unlad na ating ekonomiya. Pero ngayon at malapit nang matapos ang kanyang termino, nararapat lang na ipagpatuloy natin ang pagtatahak sa tuwid na daan na kanyang sinimulan sa pamumuno ng bagong pangulo, na magpapatuloy sa mga reporma na kanyang sinimulan at masosolusyonan ang mga problema ng ating bansa, lalo na ang kahirapan at korupsiyon sa pamamaraang walang kakatigang kaalyansa kundi may sapat na lakas ng loob at paninindigang sugpuin ang mga katiwalian.
Ngunit bilang Pilipino kailangan rin nating tumulong sa pagtutuwid at pagaayos ng twuid na daan. Kaya naman naisip ko ang mga sumusunod na makakatulong upang makamit natin ang pangarap ng ating bayan. Una, ay ang pagtulong sa ating mga magsasaka. Dapat lang na bigyan sila ng lahat ng kanilang mga pangangailangan upang maaari silang makapagsaka ng maayos. Ito ay makatulong sa pag-unlad ng ating ekonomiya. Pangalawa, ay ang pag-aresto sa mga “smugglers” at mga “corrupt” upang sila’y matakot at tumigil sa pagpupuslit at pagnanakaw. Ikatlo, ay para sa lahat ng mga Pilipino, dapat nilang iboto ang tapat at karapat-dapat na mga pinuno, na mamumuno sa atin. Ang ikaapat, ay para sa lahat ng Pilipino, politiko man o ordinaryong mamamayan, dapat  maging mapagbigay, hindi makasarili, at hindi sakim ang bawat isa sa atin. Ikalima, ay ang pagtulong natin sa ating sarili at hindi pag-asa sa gobyerno lamang. Ikaanim, dapat nating subaybayan ang mga kilos ng mga tao sa gobyerno upang masiguro na ang buwis na ating binabayaran ay napupunta sa ikagaganda ng ating bansa at hindi sa mga bulsa ng mga sakim na tao sa gobyerno. Kung mangyari man ito ay walang Pilipinong maghihirap at mas lalo tayong magkakaisa at mas mapapabilis ang ating pagkamit sa pangarap ng ating bayan. Ang pagpahaba ng termino ni Pangulong Aquino ay hindi solusyon sa mga problema ng ating bansa, kundi ang pagkakaisa at pagiging mapagmahal sa kapuwa nating mga Pilipino at ang paglimot sa makasariling “interest”.

Pagtatapos:

Ang ating bansa ay nangangailangan ng isang pangulo na magaling, hindi sakim, kayang ipagpatuloy ang sinimulang pagbabago ni Pangulong Aquino, at kayang ituwid ang bako ng tuwid na daan na ating tinatahak. Ngunit bilang mga Pilipino kailangan rin nating tulungan ang ating mga sarili at tumulong sa pagtutuwid na ito. Kung lahat tayo ay magkakaisa sa pag-ayos ng landas na ito ay tiyak na makakamit natin ang pangarap ng ating bayan. 

No comments:

Post a Comment